Ka-Troops

Juan Dela Cruz

2.3.11

ang kauna-unahang JDC na gawa ni Jorge Pineda noong 1912


Kung mayroong Uncle Sam ang mga Kano, mayroon namang Marianne ang France. Kung ang mga taga-England ay kinilala bilang mga John Bull, tayong mga pinoy naman ay binansagang mga JUAN DELA CRUZ.

Bata pa lang ako ay madalas ko na siyang mabasa sa mga sulatin at mapanood sa teevee. Karaniwang inilalarawan bilang isang kayumangging lalaking bansot na nakasuot ng barong tagalog o kamisa de tsino, naka-tsinelas (o minsan pa nga ay nakayapak lang), naka-trouser na medyo bitin, at may suot-suot na salakot. Kahit si titser namin noong kinder pa ako ay pangalan ni JDC ang ginagamit para tukuyin ang masang Pinoy.

Kapag may mga pa-raffle sa Uniwide Sales sa Cubao noon, asahan mong pangalan niya ang makikita mo sa sample entry sa mga posters. Sa mga pa-kontes sa Eat! Bulaga na ginagamitan ng entries na ipinapadala sa pamamagitan ng sulat ay si JDC rin ang sikat na pangalang sinasampol. Hindi pa sikat si Alex Castillo o Alex Reyes na karaniwang pangalan sa mga commercials ng credit cards dahil si Jun Dela Cruz pa ang madalas na ginagamit (hindi siguro sosi pakinggan at tunog mahirap kaya naisip ng mga nagpapautang na palitan).

Bakit nga ba siya ang naging pang FB profile pic nating mga Pilipino?

Ayon sa isang trivia show na napanood ko (hindi ko matandaan kung sa palabas ni Ka Ernie o ni Kuya Kim), ito ang ibinansag sa atin nang mapansin ng isang puting jail superintendent na karamihan ng mga nakakulong na lalaki sa selda ay may pangalang Juan Dela Cruz. Simula noon, 'yun na ang itinawag niya sa lahi natin. Taena nila. Pasalamat sila dahil panahon ng pananakop ng Amerika nang mangyari ang sa tingin ko ay isang pang-iinsulto sa lahi natin.

Masalimuot ang pinagmulan ng personification ng mga Pinoy. Sinangguni ko si pareng Wiki para alamin kung gaano katotoo ang kuwento. Sinagot niya ako at medyo malapit sa katotohanan ang napanood ko sa teevee. Ayon sa nasusulat, ang JDC ay unang ginamit ni Robert McCulloch-Dick, isang Scottish-born journalist na nagtatrabaho para sa Manila Times noong early 1900's. Una siyang na-assign sa mga pag-cover ng mga court hearings at dito niya napansin na karamihan ng mga nasasangkot sa mga petty crimes ay may pangalang Juan Dela Cruz. Simula noon ay Juan na ang ginamit niya sa pagsusulat ng mga artikulo sa Manila Times para tukuyin tayong mga noypi.

Ayon sa kasaysayan, 1842 nang iniutos ni Spanish Governor General Claveria na magkaroon tayo ng apelyido. Ang mga mestizos na inaayunan ng mga pari ay nabigyan ng DE LOS SANTOS ("of the saints") habang ang mga inayunan ng mga guwardiya-sibil ay nabigyan ng DE LOS REYES ("of the kings"). Ang mga mga indio naman na hindi marunong magsulat o magbasa ay binigyan ng DELA CRUZ ("of the cross")bilang simbulo sa "X" na ginagamit na pangpirma ng mga ito. Kung susuriin mo ang Yellow Pages, ang tatlong apelyidong ito ang pinakamaraming naka-register.

Ang unang itsura ni JDC na lumabas noong 1912 sa Renacimiento Filipino, isang defunct weekly news-magazine noong American Occupation, ay iginuhit ni Jorge Pineda. Ito na ang sinundan ng karamihan at ang imaheng ito ang madalas na ginagamit sa mga editorial pages mula noon hanggang ngayon.

0 comments:

Post a Comment

Related Posts Plugin for WordPress, Blogger...